Si Joy at Ang Kanyang Medalya
Araw ng Biyernes at kalagitnaan na ng hapon.
Masayang nagtipon-tipon ang mga mag-aaral
sa paaralang may banyagang pangalan.
Bibigyan kasi ng gantimpala ang batang pinipintuho
dahil sa kanyang pagmamahal sa bayan—
siya’y napuna sa kanyang angking galing sa pagtutula.
Joy, hindi niya totoong pangalan—
pangit na kasi ang ngalang Ligaya sa makabagong panahon.
Matapos masabitan ng napakakinang na medalya,
siya’y nagbitiw ng talumpati
na nagbigay sa kanya ng masigabong palakpakan—
daig pa raw niya kasi si Lincoln sa pag-iEnglish.
Pagkauwi ni Joy sa kanilang bungalow—
binasa niya ang Noli Me Tangere na kinuha pa niya
sa pinakailalim ng aparador- maalikabok, mainsekto
kaya binasa niya na lang muna ang libro ni Shakespeare.
Maya-maya pa’y naisipan niyang magpasalamat sa Poon—
Itinapon niya muna ang lantang sampagitang nakasabit sa kamay ng birhen
at taimtim na niyang binigkas ang Hail Mary.
Pagkatapos niyang ipasikat sa panginoon ang kanyang karangalang nakamit,
Nag-ensayo naman siya para sa kanyang pagsali sa patimpalak
ng pagtatalunan: yes to same sex marriage ang kanyang panig—
total accepted naman ito sa Canada, wika niya.
Iisa ang kanyang mithiin: ipunin ang kanyang koleksyon ng mga medalya—
ang karamiha’y kinalawang na.
Comments