Ang Post-truth, ang Fake News, at ang Sampung Utos
BABALA!
Nagbababad ka ba sa facebook? Hindi mo ba mapigilang i-like o i-share ang mga
usaping hitik na hitik sa kontrobersiya? Wala ka bang pakialam kung totoo ba o
gawa-gawa lamang ang mga iyon? Kung isang malaking “OO” ang sagot mo sa mga
tanong, para sa iyo ang lathalaing ito.
Maaaring hindi mo namamalayang isa ka na palang
kasangkapan, isang alipin ng mga makapangyarihang grupong nagtatago sa likod ng
Facebook privacy setting. Ginagamit
ng mga ito ang iyong likes, shares,
at comments upang pondohan ang
pahinang iyong pina-follow at maipagpatuloy
ang nais nitong maghasik ng maling impormasyon o fake news para sa kanilang sariling interes. Naililihis nila ang
ikot ng mundo sa pamamagitan ng pag-copy
paste ng mga hindi lehitimong press
releases, pagbababoy ng journalistic
standards, paggawa ng mga kwentong ikasisira ng mga direkta nitong
kakompetensiya, paglikha ng mga larawan at bidyu na kumokontrol ng iyong
emosyon upang ikaw ay makianib sa kanilang agenda.
Wala kang kaalam-alam na ikaw pala ay isa nang biktima. Sa katunayan,
ipinagtatatangol mo pa ang kanilang baluktot na adhikain. Binubulag ka nila,
nilulumpo, tinatanggalan ng kaluluwa. At ang mas masahol, ang lahat ng ito’y
ikinatutuwa mo pa.
ALAMIN: Post-truth
Era, Fake News at ang Sampung Utos!
Ano ang post-truth?
Kamakailan lamang ay naglabas ng bagong salita
ang Oxford; ang salitang post-truth. Ito ay tumutukoy sa mga
pagkakataong ang “katotohanan” ay may maliit na impluwensiya sa paghubog ng
opinyon ng masa. Ayon dito, ang “katotohanan” ay halos wala nang kabuluhan sa
pagbuo ng emosyon at personal na paniniwala ng isang tao sa mga bagay-bagay [1].
Gaano kaapektado ang ating bansa ng
post-truth?
Ang post-truth
ay pinasisidhi ng fake news. Ang mga pekeng
balitang ito ay nagkalat sa kung saan-saan sa ating bansa ngayon at handa itong
ikonsumo ng maraming Filipino. Ang platform
nito? Social Media! Ayon sa ulat
noong 2016, mayroong 60 milyong Filipino ang gumagamit ng internet at 22 milyon sa mga ito ay gumagamit ng Facebook [2]. Saklaw nito
ang malawak na demograpiya ng bansa. Maging corporate
manager man iyan o nagbebenta ng okra sa gilid ng simbahan ng Quiapo, halos
lahat ay tumatangkilik. Ito ang dahilan kung bakit Facebook ang kadalasang nagiging armas ng mga operatibang politikal
at mangangalakal. Ginagamit ng mga ito ang facebook
upang lasunin ang mga isipan ng mga tao para sa kanilang pansariling kapakanan.
Lahat ay kaya nilang gawin habang nakatago sa likod ng privacy setting samantalang lantad sa lipunan ang gulong dulot ng
mga ito.
Sadlak na nga ang ating bansa sa konsepto ng post-truth. Nabubuhay na nga tayo sa tinatawag
nilang post-truth era.
Ano nga ba ang gulong dulot ng
pekeng balita?
Nakaririmarim ang layunin o motibo ng mga
nagpapakalat ng mga fake news:
§ Manira ng mga
kilalang personalidad sa mundo ng showbiz at politika upang makuha ang simpatya
ng masa at mapaigting ang sariling kapangyarihan sa mundong kanilang
ginagalawan.
§ Manira ng
relasyon, maging kilalang personalidad man o simpleng mamamayan.
§ Manira ng
negosyo. Isipin mo na lang ang mga balitang “fake
rice”, ‘yung bubwit o ipis na nakuha sa isang delatang pagkain, at ‘yung
mga eskandalo ng mga sikat na fastfood
chain tulad ng Jollibee at McDonalds. Paano tayo nakasisigurong
lehitimong testimonya ang mga iyon?
§ Baluktutin ang
batas at katotohanan upang mapaigting ang kapangyarihan sa gobyerno.
§ Baguhin ang
kasaysayan at paglaruan ang isipan at paniniwala ng mga mamamayan. Nandiyan ang
tiyorya ng conspiracy at mafia. Mayroon pang mga bidyu na may
makabagbag damdaming sound effects upang
kurutin ang puso at kilitiin ang isipan ng mga mamayan. Ang mga mahihina ang
puso at utak, bitag!
§ Bumuo ng takot
sa mga mamayan sa pamamagitan ng hoax
na balita. Gaano nga ba tayo natakot noong may inilabas na kalunos-lunos na
larawan tungkol sa sitwasyon sa Marawi? At gaano nga ba tayo nagmukhang tanga
noong nalaman nating larawan pala iyon ng giyera sa Vietnam? [3]
§ Simpleng
manggoyo, manloko, mang-uto at marami pang iba.
ALAMIN: Sampung utos
upang makaiwas sa Fake News!
1.
Magtimpi, ‘wag click ng click! Magsisimula ang lahat sa pag-amin ng ating
kakulangan sa kaalaman. Huminahon. Huwag magpadalos-dalos sa pakikipagbangayan.
Pilitin ang sariling magsaliksik (muna).
2.
Siyasatin ang
pinagmulan ng balita. Saan nga ba galing ang balitang iyong
binabasa? Rehistrado ba ito at may lantad na pagkakakilanlan? Mayroon ba itong
pinapangalagaang integridad? Kung hindi naman kilala ang pinanggalingan,
magduda sa kredibilidad nito. Para sa usaping teknikal, suriin ang URL na
pinanggalingan ng balita. Ihambing ito sa orihinal na URL ng kilalang pahina at
tingnan kung may mga maliliit na detalyeng nabago.
3.
Kilalanin ang
nagsulat ng balita. Huwag munang maniwala kaagad. Kung walang
nakasulat na pangalan ng awtor, magduda. Kung meron, kilalanin siya. Kadalasang
naaapektuhan ang pagbabalita ng sariling opinyon ng awtor. Maging maalam!
4.
Alamin ang
petsa ng pagkakalathala. Maraming lumang balita ang muling pinapaskil
upang magdulot ng bigat sa kasalukuyang sitwasyon. Magsaliksik. Maraming
pagkakataon na kapag binago ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari ng isang
importanteng kaganapan ay nababago din ang buong kwento.
5.
Basahin ang
balita ng buo. Kadalasan sa mga “headlines”
ay eksaherada upang kunin ang ating atensyon. Kadalasan, hindi tugma ang headline sa nilalaman.
6.
Tumbukin ang
mga “supporting sources”. Oo, para itong pagsasaliksik na katulad ng
pagsusulat ng thesis. Hahalungkatin natin
ang iba’t ibang aspeto ng balita at pagtatagpi-tagpiin natin ang mga ito
hanggang sa malaman natin kung may kabuluhan nga ba ito.
7.
Paghambingin
ang iba’t ibang bersyun ng balita. Subukan nating maging matalino. Isa
itong malaking pabor para sa sarili natin. Kung marami ang pagkakaiba sa mga
bersyun, marapat lamang na ‘wag natin agad itong paniwalaan. Suriin din kung
marami bang maling pagbabaybay ng salita at format
at nakakalokong lay-out.
8.
Intindihin ang
uri ng pagkukwento. Alamin ang iba’t ibang uri ng pagkukwento.
Alam ba natin ang ibig-sabihin ng satire,
literary lampoon, o hyperbole?
Eh, ‘yung joke? Iwasang maging
mapagpatol. “Read between the lines”,
ika nga, bago natin ito paniwalaan.
9.
Iwaglit ang
sariling biases. Anuman ang ating
kinalakhang koneksyon sa pulitika, o anumang pulitika ang itinanim natin sa
ating mga puso, hindi dapat ito maging rason para mawalan tayo na ng kakayanang
mag-isip ng balanse at tama.
10. Sumangguni sa eksperto. Ginawa na natin
ang lahat ngunit hindi pa rin natin matukoy kung ang isang balita ay huwad o
totoo? Sumangguni sa eksperto tulad ng katiwala ng aklatan o mga pahina sa internet
na gumagawa ng fact-checking.
Madami ba para sayo ang sampung utos? Kung
walang panahong gawin ang mga ito, ‘wag na lang munang mag-share. Tsaka na kapag kumpirmado mo na ito. ‘Wag click ng click. ‘Wag mong ipagsigawan sa buong mundo na tagapagtangkilik ka
ng fake news!
ANG
IKA-9 NA UTOS!
Kung mayroon man tayong dapat bantayan upang
makaiwas tayo sa paglaganap ng fake news,
ito ay ang pag-intindi ng mga sarili nating biases
sa buhay. Ang mga ito ay hindi matutugunan ng tamang journalistic standards. Sa katunayan, kaya pa nga nitong gawing “fake news” ang lihitimong balitang
nakahain sa ating news feed.
Anu-ano nga ba ang iba’t ibang cognitive biases at paano natin ito
maiiwasan?
1.
Ang “sarili”
bilang sentro ng mundo. Walang ibang mahalaga sa atin kundi ang
ating mga sarili, ang ating mga paniniwala at sariling pag-intindi. Kapag tinanggap
tayo ng mundo, iyon ay dahil sa katanggap-tanggap tayo. Sa bawat pagtalikod
nito sa atin, iyon ay dahil sa kalupitan nito. Datapwat importante ito upang
mapanatili natin ang paniniwala natin sa ating sarili, ito rin kadalasan ang
nagiging dahilan upang magkaroon tayo ng saradong pag-iisip. Upang maiwasan
ito, paligiran natin ang ating sarili ng iba’t ibang uri ng tao. Buksan natin
ang ating mga tainga at mga mata sa ating pagkakaiba-iba. Sanayin nating maging
bukas palagi ang ating mga isipan.
2.
Ang ating
naiintidihan lamang ang itinuturing nating totoo.
Minsan, ayaw nating maniwalang limitado lamang ang ating kaalaman. At
bilang pabor sa sarili, hindi natin pinaniniwalaan ang mga bagay na hindi natin
naiintidihan. At dahil sa bias na
ito, ginagawang simple ang fake news
ng mga gumagawa nito. Kaya’t sa susunod, kung mas simple, mas dapat nating
suriin.
3.
Confirmation
bias! Ito ang
pinakadelikadong bias na dapat nating
iwasan. Ito ang pagsasaliksik na ginagawa natin upang kumpirmahin ang
pinaniniwalaan lamang natin. Pinagsisilbihan nito ang ating sariling opinyon
kaya’t kadalasang one-sided lamang
ang ginagawa nating pananaliksik. Ito ang dahilan ng malalang dibisyon ng
anumang aspeto ng lipunan. Matinding lakas ng loob ang kailangan natin upang tanggaping
masampal minsan ng katotohanan!
Hindi madali ang pagsugpo sa paglaganap ng fake news ngunit hindi naman ito
imposible. Sa ating pagtutulungan sa isa’t isa, kasabay ng ating pagpapaigting
ng sariling disiplina, muling mamamayani ang katotohanan sa ating bansa!
Sanggunian:
1.
Dictionary, English Oxford. "Oxford Living
Dictionary." (n.d.)
2. Subido,
Lorenzo Kyle. "Growing 27% in 2016, PH Now Has 60 Million Internet
Users." Entrepreneur Philippines 24 January 2017.
3. Mateo, Janvic. "Oops, Vietnam photo used in
Marawi story." Philstar Global 31 May 2017.
Comments