Ang Post-truth, ang Fake News, at ang Sampung Utos

BABALA!

Nagbababad ka ba sa facebook? Hindi mo ba mapigilang i-like o i-share ang mga usaping hitik na hitik sa kontrobersiya? Wala ka bang pakialam kung totoo ba o gawa-gawa lamang ang mga iyon? Kung isang malaking “OO” ang sagot mo sa mga tanong, para sa iyo ang lathalaing ito.

Maaaring hindi mo namamalayang isa ka na palang kasangkapan, isang alipin ng mga makapangyarihang grupong nagtatago sa likod ng Facebook privacy setting. Ginagamit ng mga ito ang iyong likes, shares, at comments upang pondohan ang pahinang iyong pina-follow at maipagpatuloy ang nais nitong maghasik ng maling impormasyon o fake news para sa kanilang sariling interes. Naililihis nila ang ikot ng mundo sa pamamagitan ng pag-copy paste ng mga hindi lehitimong press releases, pagbababoy ng journalistic standards, paggawa ng mga kwentong ikasisira ng mga direkta nitong kakompetensiya, paglikha ng mga larawan at bidyu na kumokontrol ng iyong emosyon upang ikaw ay makianib sa kanilang agenda. Wala kang kaalam-alam na ikaw pala ay isa nang biktima. Sa katunayan, ipinagtatatangol mo pa ang kanilang baluktot na adhikain. Binubulag ka nila, nilulumpo, tinatanggalan ng kaluluwa. At ang mas masahol, ang lahat ng ito’y ikinatutuwa mo pa.

ALAMIN: Post-truth Era, Fake News at ang Sampung Utos!

Ano ang post-truth?
Kamakailan lamang ay naglabas ng bagong salita ang Oxford; ang salitang post-truth. Ito ay tumutukoy sa mga pagkakataong ang “katotohanan” ay may maliit na impluwensiya sa paghubog ng opinyon ng masa. Ayon dito, ang “katotohanan” ay halos wala nang kabuluhan sa pagbuo ng emosyon at personal na paniniwala ng isang tao sa mga bagay-bagay [1].

Gaano kaapektado ang ating bansa ng post-truth?
Ang post-truth ay pinasisidhi ng fake news. Ang mga pekeng balitang ito ay nagkalat sa kung saan-saan sa ating bansa ngayon at handa itong ikonsumo ng maraming Filipino. Ang platform nito? Social Media! Ayon sa ulat noong 2016, mayroong 60 milyong Filipino ang gumagamit ng internet at 22 milyon sa mga ito ay gumagamit ng Facebook [2]. Saklaw nito ang malawak na demograpiya ng bansa. Maging corporate manager man iyan o nagbebenta ng okra sa gilid ng simbahan ng Quiapo, halos lahat ay tumatangkilik. Ito ang dahilan kung bakit Facebook ang kadalasang nagiging armas ng mga operatibang politikal at mangangalakal. Ginagamit ng mga ito ang facebook upang lasunin ang mga isipan ng mga tao para sa kanilang pansariling kapakanan. Lahat ay kaya nilang gawin habang nakatago sa likod ng privacy setting samantalang lantad sa lipunan ang gulong dulot ng mga ito.

Sadlak na nga ang ating bansa sa konsepto ng post-truth. Nabubuhay na nga tayo sa tinatawag nilang post-truth era.

Ano nga ba ang gulong dulot ng pekeng balita?

Nakaririmarim ang layunin o motibo ng mga nagpapakalat ng mga fake news:
§  Manira ng mga kilalang personalidad sa mundo ng showbiz at politika upang makuha ang simpatya ng masa at mapaigting ang sariling kapangyarihan sa mundong kanilang ginagalawan.
§  Manira ng relasyon, maging kilalang personalidad man o simpleng mamamayan.
§  Manira ng negosyo. Isipin mo na lang ang mga balitang “fake rice”, ‘yung bubwit o ipis na nakuha sa isang delatang pagkain, at ‘yung mga eskandalo ng mga sikat na fastfood chain tulad ng Jollibee at McDonalds. Paano tayo nakasisigurong lehitimong testimonya ang mga iyon?
§  Baluktutin ang batas at katotohanan upang mapaigting ang kapangyarihan sa gobyerno.
§  Baguhin ang kasaysayan at paglaruan ang isipan at paniniwala ng mga mamamayan. Nandiyan ang tiyorya ng conspiracy at mafia. Mayroon pang mga bidyu na may makabagbag damdaming sound effects upang kurutin ang puso at kilitiin ang isipan ng mga mamayan. Ang mga mahihina ang puso at utak, bitag!
§  Bumuo ng takot sa mga mamayan sa pamamagitan ng hoax na balita. Gaano nga ba tayo natakot noong may inilabas na kalunos-lunos na larawan tungkol sa sitwasyon sa Marawi? At gaano nga ba tayo nagmukhang tanga noong nalaman nating larawan pala iyon ng giyera sa Vietnam? [3]
§  Simpleng manggoyo, manloko, mang-uto at marami pang iba.

ALAMIN: Sampung utos upang makaiwas sa Fake News!


1.      Magtimpi, ‘wag click ng click! Magsisimula ang lahat sa pag-amin ng ating kakulangan sa kaalaman. Huminahon. Huwag magpadalos-dalos sa pakikipagbangayan. Pilitin ang sariling magsaliksik (muna).
2.      Siyasatin ang pinagmulan ng balita. Saan nga ba galing ang balitang iyong binabasa? Rehistrado ba ito at may lantad na pagkakakilanlan? Mayroon ba itong pinapangalagaang integridad? Kung hindi naman kilala ang pinanggalingan, magduda sa kredibilidad nito. Para sa usaping teknikal, suriin ang URL na pinanggalingan ng balita. Ihambing ito sa orihinal na URL ng kilalang pahina at tingnan kung may mga maliliit na detalyeng nabago.
3.      Kilalanin ang nagsulat ng balita. Huwag munang maniwala kaagad. Kung walang nakasulat na pangalan ng awtor, magduda. Kung meron, kilalanin siya. Kadalasang naaapektuhan ang pagbabalita ng sariling opinyon ng awtor. Maging maalam!
4.      Alamin ang petsa ng pagkakalathala. Maraming lumang balita ang muling pinapaskil upang magdulot ng bigat sa kasalukuyang sitwasyon. Magsaliksik. Maraming pagkakataon na kapag binago ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari ng isang importanteng kaganapan ay nababago din ang buong kwento.
5.      Basahin ang balita ng buo. Kadalasan sa mga “headlines” ay eksaherada upang kunin ang ating atensyon. Kadalasan, hindi tugma ang headline sa nilalaman.
6.      Tumbukin ang mga “supporting sources”. Oo, para itong pagsasaliksik na katulad ng pagsusulat ng thesis. Hahalungkatin natin ang iba’t ibang aspeto ng balita at pagtatagpi-tagpiin natin ang mga ito hanggang sa malaman natin kung may kabuluhan nga ba ito.
7.      Paghambingin ang iba’t ibang bersyun ng balita. Subukan nating maging matalino. Isa itong malaking pabor para sa sarili natin. Kung marami ang pagkakaiba sa mga bersyun, marapat lamang na ‘wag natin agad itong paniwalaan. Suriin din kung marami bang maling pagbabaybay ng salita at format at nakakalokong lay-out.
8.      Intindihin ang uri ng pagkukwento. Alamin ang iba’t ibang uri ng pagkukwento. Alam ba natin ang ibig-sabihin ng satire, literary lampoon, o hyperbole? Eh, ‘yung joke? Iwasang maging mapagpatol. “Read between the lines”, ika nga, bago natin ito paniwalaan. 
9.      Iwaglit ang sariling biases. Anuman ang ating kinalakhang koneksyon sa pulitika, o anumang pulitika ang itinanim natin sa ating mga puso, hindi dapat ito maging rason para mawalan tayo na ng kakayanang mag-isip ng balanse at tama.
10.  Sumangguni sa eksperto. Ginawa na natin ang lahat ngunit hindi pa rin natin matukoy kung ang isang balita ay huwad o totoo? Sumangguni sa eksperto tulad ng katiwala ng aklatan o mga pahina sa internet na gumagawa ng fact-checking.

Madami ba para sayo ang sampung utos? Kung walang panahong gawin ang mga ito, ‘wag na lang munang mag-share. Tsaka na kapag kumpirmado mo na ito. ‘Wag click ng click. ‘Wag mong ipagsigawan sa buong mundo na tagapagtangkilik ka ng fake news!

ANG IKA-9 NA UTOS!

Kung mayroon man tayong dapat bantayan upang makaiwas tayo sa paglaganap ng fake news, ito ay ang pag-intindi ng mga sarili nating biases sa buhay. Ang mga ito ay hindi matutugunan ng tamang journalistic standards. Sa katunayan, kaya pa nga nitong gawing “fake news” ang lihitimong balitang nakahain sa ating news feed.

Anu-ano nga ba ang iba’t ibang cognitive biases at paano natin ito maiiwasan?

1.      Ang “sarili” bilang sentro ng mundo. Walang ibang mahalaga sa atin kundi ang ating mga sarili, ang ating mga paniniwala at sariling pag-intindi. Kapag tinanggap tayo ng mundo, iyon ay dahil sa katanggap-tanggap tayo. Sa bawat pagtalikod nito sa atin, iyon ay dahil sa kalupitan nito. Datapwat importante ito upang mapanatili natin ang paniniwala natin sa ating sarili, ito rin kadalasan ang nagiging dahilan upang magkaroon tayo ng saradong pag-iisip. Upang maiwasan ito, paligiran natin ang ating sarili ng iba’t ibang uri ng tao. Buksan natin ang ating mga tainga at mga mata sa ating pagkakaiba-iba. Sanayin nating maging bukas palagi ang ating mga isipan.

2.      Ang ating naiintidihan lamang ang itinuturing nating totoo.  Minsan, ayaw nating maniwalang limitado lamang ang ating kaalaman. At bilang pabor sa sarili, hindi natin pinaniniwalaan ang mga bagay na hindi natin naiintidihan. At dahil sa bias na ito, ginagawang simple ang fake news ng mga gumagawa nito. Kaya’t sa susunod, kung mas simple, mas dapat nating suriin.

3.      Confirmation bias! Ito ang pinakadelikadong bias na dapat nating iwasan. Ito ang pagsasaliksik na ginagawa natin upang kumpirmahin ang pinaniniwalaan lamang natin. Pinagsisilbihan nito ang ating sariling opinyon kaya’t kadalasang one-sided lamang ang ginagawa nating pananaliksik. Ito ang dahilan ng malalang dibisyon ng anumang aspeto ng lipunan. Matinding lakas ng loob ang kailangan natin upang tanggaping masampal minsan ng katotohanan!

Hindi madali ang pagsugpo sa paglaganap ng fake news ngunit hindi naman ito imposible. Sa ating pagtutulungan sa isa’t isa, kasabay ng ating pagpapaigting ng sariling disiplina, muling mamamayani ang katotohanan sa ating bansa!


Sanggunian:
1. Dictionary, English Oxford. "Oxford Living Dictionary." (n.d.)
2. Subido, Lorenzo Kyle. "Growing 27% in 2016, PH Now Has 60 Million Internet Users." Entrepreneur Philippines 24 January 2017.
3. Mateo, Janvic. "Oops, Vietnam photo used in Marawi story." Philstar Global 31 May 2017.

Comments

Popular Posts