Si Ate Bebang at ang Mahiwagang Payong (Published by Liwayway Magazine)

Published on:July 24, 2017
Published by: Liwayway Magazine; page 18-19
ISSN: 1656-98-14
(Ito ang orihinal na manuskrito. May ilang mga bahagi na inedit para sa magasin)

Napapikit ako ng mga mata nang maamoy ko ang nilulutong Puto Maya ni Ate Bebang. Hinatid ng simoy ng hangin ang bango nito sa buong kabahayan. Tiyak akong masarap at malinamnam at matamis iyon. Matamis din kasi ang kanyang pagkakangiti habang isinasalansan ang nakakatakam na kakanin.
“La la la la!”
Pakanta-kanta pa si Ate Bebang habang nakangiti ang kanyang mga mapupungay na mata.
“La la la la!”
Kayat hindi ko rin mapigilang mapakanta habang tumutulong sa kanya.
“Handa ka na ba Benok?” ang tanong niya sa akin.
“Handang-handa na po!” ang sagot ko naman.
Binitbit ni Ate Bebang ang bilao habang hawak ko naman ang maliit na lata. Doon ko ilalagay ang aming magiging benta.
O maglalako na ba kayo ng masarap na Puto Maya?tanong sa amin ni nanay. Nasa bakuran siya at abala sa pagdidilig ng mga halaman at sa pagkukumpuni ng bakod naming sira-sira.
Opo inay,” sabay naming sagot ni Ate Bebang. Pagkatapos magmano ay umalis na kami ng bahay at aming nadatnan ang baranggay naming walang sigla at walang kulay.
Ops! Mukhang kakailanganin natin ngayon ang aking mahiwagang payong,” biglang sambit ni Ate Bebang. Dali-dali akong tumakbo papasok ng bahay at hinablot ang mahiwagang payong na nakasampay. Sa bawat tatsulok nito’y mayroong ibat-ibang kulay.
Dahan-dahan itong binuksan ni Ate Bebang. Kasabay ng pagbukas nito ay ang pagbukas din ng mga talulot ng mga alagang bulaklak ni nanay. Laking tuwa ni nanay nang makita niya ang kulay pulang mga Rosa pati na rin ang matitingkad na Santan.
Puto Maya po kayo riyan!” magiliw na sigaw ni Ate Bebang. “Puto Maya po kayo riyan!” masigla ko ring sigaw.
Mabait na Bebang pabili nga ako ng iyong paninda,” sambit ni Mang Isko. Bitbit nito ang alagang manok na animo’y namumutla.
“Ito na po ang iyong Puto Maya,” masiglang inabot ni Ate Bebang ang kakanin. Pagkatapos ay kanyang pinaikot ang mahiwagang payong. Nagbuga ito ng matingkad na kulay. Lumipad ang mga kulay sa hangin na animo’y makukulay na alikabok at nagtungo sa alagang manok ni Mang Isko.
“Tiktilaok!” masayang tumilaok ang naging matingkad na manok. Tumalon naman sa tuwa ang masaya ring si Mang Isko.
Magandang Bebang, pabili nga ako ng iyong Puto Maya.” Ang sunod namang bumili ay si Aleng Linda na walang kapaguran sa paglalaba.
Nakangiting inabot ni Ate Bebang ang paninda at muling pinaikot ang payong na mahiwaga. Lumipad muli sa hangin ang mga kulay at kinulayan nito ang mga nilalabhang damit ni Aleng Linda. Natuwa ito nang makita ang kulay berdeng bestida, ang kulay asul na saya at iba pang makukulay na labada.
“Mayuming Bebang, pabili nga ako ng iyong Puto Maya.” Ang sumunod na bumili ay si Mang Berting. Pagod itong nagkukumpuni ng sira nitong traysikel.
“Ito po ang masarap ninyong Puto Maya,” mayuming sambit ni Ate Bebang. Pagkatapos ay muling umikot ang mahiwagang payong. Nakulayan ang traysikel ng berde, asul at kahil.
Maraming salamat Bebang!” ang masayang sambit ni Mang Berting habang papalayong ipinadyak ang traysikel.
Nagsimula nang ngumiti ang haring araw sa aming mumunting barangay. Tumama ang sinag nito sa mahiwagang payong ni Ate Bebang. Naghatid naman ito ng kulay sa maluwag na palaruan, sa mga paru-paro sa hardin, sa mumunti naming simbahan, at sa maluwag naming paaralan.
Puto Maya po kayo riyan!” magiliw na sigaw ni Ate Bebang.
Puto Maya po kayo riyan!” masigla ko ring sigaw.
* * *
Ang sumunod na araw ay hindi pangkaraniwan.
“Paano ninyo mailalako ang matamis at malinamnam na Puto Maya kung ang langit ay masungit at ang haring araw ay ayaw magpakita?” nababahalang sambit ni nanay. Malungkot akong sumilip sa aming bintana habang pinagmamasdan ang walang tigil na buhos ng ulan.
Maya-maya lang ay lalong nagalit ang kulog at kidlat. Walang humpay naman sa pagsayaw ang lalong papalakas na hangin. Isinara namin ang mga bintana at pinto at nagsimulang manalangin.
Pagkalipas ng ilang saglit ay lalo pang sumungit ang panahon. Tumaas ang tubig baha at mabilis na umakyat sa aming bahay.
“Naku! Ano ang gagawin natin?” naluluhang sambit ni nanay.
Dali-daling kinuha ni Ate Bebang ang mahiwagang payong.
Sumakay po kayo sa mahiwagang payong nanay. Sumakay ka na rin sa mahiwagang payong Benok,” utos ni Ate Bebang. Sumakay kaming tatlo sa mahiwagang payong na sa pagkakataong iyon ay lalong lumapad. Tinangay kami ng hangin palabas sa binabaha naming tahanan.
Saklolo!” sigaw ni Mang Isko.
Sumakay po kayo sa aking mahiwagang payong. Isama niyo na rin po ang alaga ninyong manok.”
Saklolo, saklolo!” sigaw ni Aleng Linda.
Sumakay po kayo sa aking mahiwagang payong. Isama niyo na rin po ang iyong mga labada.
Saklolo, saklolo, saklolo!” sigaw ni Mang Berting.
Sumakay na po kayo, Mang Berting, sa aking mahiwagang payong. Isama na rin po niyo ang traysikel ninyong pampasada.
Patuloy na nilipad ng malakas na hangin ang sinasakyan naming mahiwagang payong. Isinakay na rin ni Ate Bebang ang mga maliliit na bata, ang mga alagang hayop, at ang mga magagandang bulaklak.
Inihatid kami ng mahiwagang payong sa loob ng malaki naming paaralan na nasa tuktok ng burol. Ngunit muli kaming natakot nang inabot na rin ng rumaragasang alon ng baha ang gulod na aming kinalalagyan.
Hanggang sa sinubukang paikutin ni Ate Bebang ang kanyang mahiwagang payong. Namangha kaming lahat nang hinigop nito ang malakas na ihip ng hangin. Hinigop din nito ang malakas na buhos ng ulan. Hinigop din nito ang nakakatakot na kulog at kidlat. Muli niyang pinaikot ang mahiwagang payong at lumipad ang mga kulay nito sa kalangitan at bumuo ng matingkad at makulay na bahaghari.
Natuwa si nanay. Natuwa rin ako. Natuwa si Mang Isko. Natuwa si Aleng Linda. Natuwa si Mang Berting. Natuwa ang mga bata, ang mga hayop at ang mga alagang halaman. Sabay-sabay kaming nagpalakpakan at lumundag sa tuwa. Nasilip ko ang magandang ngiti ni Ate Bebang habang bitbit ang mahiwagang payong na biglang nawalan ng kulay.



Comments