Pakikipagsapalaran sa Liwayway


Ika-6 ng Hulyo, 2017- 

Sa hindi tiyak na dahilan ay bigla ko na lang ginustong bumili ng Liwayway Magazine. Hindi ko na rin maalala kung ano ang nag-udyok sa aking magpasa ng aking unang maikling kwentong pambatang "Si Ate Bebang at ang Mahiwagang Payong" Basta dumating na lang itong pagkakataong gusto ko nang magsulat nang magsulat ng mga kwentong pambata para sa Liwayway at sa tagumpay kong ito, mayroon akong tatlong puntong napagtanto

Una, hindi dahil sa nagsusulat ako para sa Liwayway, pero ito na siguro ang PINAKAsulit na mabibiling bagay sa panahon ngayon. Mula sa maiikling kwento, nobela, makabuluhang lathalain, libangan, komiks, at mga sinusubaybayan kong kolum sa loob ng isang isyu, lahat ay may kalidad. Walang tapon! A gem worth 25 pesos only. Pangalawa, maaari ko na siguro sabihing isa akong manunulat. Nababasa ko na ang Liwayway simula pa noong bata pa ako. Ang mga kwento ng mga manunulat gaya nina Efren Abueg, Armando T. Javier at Gilda Olvidado ay kabilang sa makulay na kasaysayan ng Liwayway. At isang karangalan ang makasabit man lang sa mundong kanilang ginagalawan. Pangatlo, ang pagsusulat ng kwentong pambata ay hindi basta-basta. Nasa pagitan ka ng "tekstong magaang basahin" at "tekstong, lantad man ang kahulugan, ay mahiwaga pa rin kung dadamhin". Kaakibat din dito ang responsableng pagsasalaysay habang sumusubok kang maging malikhain at kakaiba o unique

Isang malaking karangalan ang mapasama ang aking mga akda sa mga pahina ng Liwayway. Sundan ang aking mga maikling kwentong pambata sa mga darating pang isyu ng Liwayway Magazine.

Nagmula sa FB page ng Liwayway Magazine ang larawang ito.



  


Comments