De-kableng Utak ni Benjong

Nina Ryan Labana at Kenji Valdez

Napabalita na naman nitong kamakailan lamang ang pagpasok ng taglamig sa ating bansa. Ano na naman kaya ang bagong pakulo nitong si Benjong? Iyong pilay na binatang-ama dahil bigla nalang iniwan ng asawa; sikat na tambay sa aming barangay. Iba-iba kasi ang ginagawang kalokohan nitong si Benjong kada nagbabago ang panahon.
          Noong nakaraang tag-init ay prinuklama niyang isa raw siyang superhero na naglakbay ng milyon-milyong light years galing sa planetang Saturn upang makarating sa planetang Earth. Ang kinatuwaan at pinagkaguluhan sa kanya ay ang kanyang cosplay costume na isang underwear sa labas ng kanyang tokong short. Bagong trend daw iyon sa planeta nila at pumunta siya rito para itigil ang pagpapakalat ng huwad na balita tungkol kay Pangulong Duterte.
          Madalas siyang napagtitripan ng ibang tambay at mga lasinggero na kumakain doon sa unli-lugawan ni Kuya Tonyo sa may kanto. Madalas ay nagiging instant entertainer siya ng mga kumakain sa lugawan. Nito lamang ay napagtripang ipagaya sa kanya ‘yung napabalitang Pilipinang nanalo roon sa pakontest ng mga models, ‘yung Asia’s Next Top Model. Sa halip na si Maureen ay si Tarzan ang kinalabasan ng kanyang panggagaya. Dumagundong ang tawanan at halakhakan sa buong lugawan. Bilang kapalit sa hatid na aliw ay binigyan siya ng unli-lugaw ni Kuya Tonyo.
          Ako lang siguro ang hindi natawa sa aking mga natanaw. Naubos ko na ang nilalantakan kong lugaw, ayaw pa ring magpaawat ni Benjong. Muli kong binuksan ang aking facebook habang naghihintay. Mas magulo ang mga nabasa ko doon kesa sa mga nagkasalit-salit na kable sa utak ni Benjong. Agad-agad ko rin itong pinatay at muling pinagmasdan ang nagpapatawa pa ring si Benjong.
“Ako’y paruparong walang ningning. Sumusunod lamang sa ihip ng hangin. Walang silbi ang aking pakpak. Uhaw ako sa inyong mga palakpak.”
          “Wow!”
Natuwa ang lahat sa binigkas niyang tula ngunit nasundan pa rin ito ng nangungutyang halakhakan dahil sa nakakatawa niyang panggagaya. Di ko na napigilan ang aking sarili. Ako’y tumayo’t lumapit sabay bulong kay Benjong.

“Tay, kanina pa kita hinihintay. Tara, umuwi na tayo.”

Comments

Popular Posts