Liham Para Kay Gat Jose Rizal
(galing kay Peter na kapatid ni Joy)
Pictures by google.com |
Ika-12 ng Hunyo, 2010
Sa inyo mahal naming Pambansang Bayani,
Magandang araw po!
Alam niyo po, ako’y malayang-malaya na!
Nagagawa ko po ang mga bagay na nais ko.
Ibang-iba sa panahon nina lolo.
Sumulat po ako sa inyo upang magpasalamat
dahil sinabi ni lola na kayo po ang dahilan ng kalayaan ko.
Salamat po ng marami!
Alam niyo po, may bago akong cell phone.
Madali ko ng matawagan ang aking mga kaibigan mula sa ibang bansa.
Nakilala ko po sila dahil sa internet.
Salamat po dahil malaya akong gumagamit nito.
Sa totoo lang napakagaling ko na ngang magEnglish dahil nahahasa
ng pakikipagkomunikasyon ko sa kanila.
Naku! bago ko po makalimutan,
Ginawan po kayo ng ating mga kababayan ng isang rebulto
para palagi naming maalala ang iyong kagitingan.
In fairness, napakamahal po ng rebulto niyo—
gawa sa mamahaling materyal galing sa ibang bansa.
Siyempre para yun sa bayaning ugat ng kalayaan ko.
Sigi po Gat Jose Rizal, hanggang dito na lang ang liham ko.
Gusto ko mang magkwento pa sa inyo’y pinipilit na po ako
ng mga kaibigan kong manood ng Harry Potter—
Yehey! Malaya kaming manonood nito.
Sana po’y masiyahan kayo sa maikli kong liham.
Kasing ganda ng aking kwento ang papel na pinagsulatan nito—
galing po ito sa China at malaya kong nabili sa Chin Chang Store.
Nagmamahal,
Peter
p.s. Naku pasensiya na po kayo kung di niyo ako kaagad nakilala.
Pinalitan ko na po kasi ang pangit na pangalang Pedro
total malaya naman po akong pumili ng ibabansag sa akin eh.
Comments