Nang Mangarap ang Isang Papel
larawan mula sa google.com |
NOONG unang panahon ay mayroong isang malungkot na papel. Inis na inis siya kay Myra,
ang nagmamay-ari sa kanya, dahil palagi na lamang siya nitong itinatago sa madilim
nitong bag.
“Hindi
ka ba naaawa sa akin?” minsan niyang reklamo kay Myra. “Palagi mo na lamang akong
sinusulatan. Minsan nama’y ginuguhitan mo ng kung anu-ano. Pagkatapos ay
ikukulong mo lang ako sa madilim na bag mo!”
“Ano
ba ang dapat kong gawin, papel? Pinananatili naman kitang malinis. Iniiwasan ko
ring magusot ka kaya palagi kang nakatago sa aking bag,” nagtatakang paliwanag ni
Myra.
“Bakit
ang ibang papel ay kung saan-saan nakapupunta? Nalalangoy nila ang tubig.
Nakalilipad din sila sa ihip ng hangin,” patuloy nitong pagrereklamo.
“Ngunit
iniregalo ka sa akin ni nanay upang maging gabay ko sa aking pag-aaral…”
“Hindi!”
bumulyaw siya kaya’t biglang naputol ang paliwanag ni Myra. “Hindi kita kaibigan!
Talagang makasarili ka kaya ayaw mo akong sumaya.”
“Hindi
‘yan totoo. Ano ba ang nais mong gawin ko para sayo?” malungkot na tanong ni
Myra.
“Pangarap
kong maging katulad ng iniidolo kong bangkang papel at ipaanod din sa dumadaloy
na tubig sa estero,” nananabik niyang hiling.
“Ngunit
mahalaga sa akin ang bawat pahina mo. Nais kitang makasama sa bawat araw na nasa
eskwelahan ako,” maluha-luha nitong sambit.
“Makasarili
ka lang talaga!”
Sumimangot
ng husto si papel kaya’t dahan-dahan siyang pinilas ni Myra. Kinalkula ang kanyang
mga bahagi at maingat siyang tinupi-tupi.
“Ayan!
Isa na akong napakagandang bangka,” puno ng pananabik ang kanyang mga salita.
“Dali! Ipaanod mo na ako sa estero sa likod ng paaralan.”
Agad
silang nagtungo sa likod ng paaralan. Nadatnan nila ang iba pang mga batang may
bitbit ding bangkang papel.
“Yehey!
Sa unang pagkakataon ay makakapagtampisaw ako sa tubig at makikipagkarerahan sa
mga bangkang papel ng ibang mga bata.”
Dahan-dahan
siyang inilagak sa umaagos na tubig. Lubusan siyang nanabik. Nagsisigawan kasi ang
mga bata kaya’t kakaibang dagundong ng puso ang kanyang nadarama.
“Isa,
dalawa, tatlo, go!”
Malungkot
siyang binitawan ni Myra. Hindi niya akalaing marahas pala ang pagragasa ng tubig
sa estero. Ang masidhing saya ay biglang napalitan ng matinding kaba.
“Tulong!”
malakas na sigaw ng isa pang bangkang papel.
Nagpaunahan
silang maanod sa tubig habang naghihiyawan ang mga bata. Bangga dito, bangga doon.
Ang iba’y sumabit sa mga basura. Ang iba nama’y lubusang nabasa at tuluyang napunit
at nasira.
“Ganito
pala ang pakiramdam ng isang bangkang papel,” naiiyak niyang sambit. Sa huling pagkakataon
ay nilingon niya si Myra habang siya’y tinatangay ng tubig papalayo.
Hindi
na alam ni papel kung ano ang sumunod na nangyari sa kanya. Nawalan siya ng malay
at sa muling pagdilat ng kanyang mga mata ay bitbit na siya ng isang marungis na
bata. Dahan-dahan nitong ikinalas ang kanyang pagkakatupi at iniladlad sa ilalim
ng sikat ng araw. Matindi ang sikat ng araw. Animo’y masusunog siya sa init nitong
taglay.
“Kung
nakinig lamang sana ako kay Myra…” naluluha niyang sambit.
Mawawalan
na sana siya ng pag-asa nang marinig niya ang sinabi ng batang nakapulot sa kanya.
“Kapag
ito’y natuyo, gagawin ko itong eroplanong papel,” sambit ng marungis na bata sa
kalaro nito.
“Wala
‘yan dito sa saranggola ko. Kaya nitong tumagal sa ere gamit itong mahabang tali
ko,” pagmamayabang ng isa pang bata.
Natuyo
na nga si papel at muli siyang tinupi-tupi upang gawing isang eroplanong papel.
“Ayan!
Ang ganda ng gawa ko,” sigaw ng marungis na bata.
Palihim
na ngumiti si papel. Sa wakas ay nagkaroon siya ng bagong pag-asa. Kung nasawi
man siya sa rumaragasang tubig, masaya naman siguro ang lumipad sa hangin. Sa
katunayan, iniidolo niya rin ang mga eroplanong papel at pangarap niya rin ang makipagpantintero
sa mga hibla ng hangin.
“Isa,
dalawa, tatlo, go!”
Marahas
din pala ang ihip ng hangin. Animo’y mapipilas siya sa lakas ng ihip nito.
Tinangay siya sa kung saan-saang direksyon; animo’y itinatatwa. At pagkatapos ng
ilang sandali, dahan-dahan siyang lumagapak sa lupa.
“Tagalan
mo ang paglipad sa hangin kundi ikaw ay aking susunugin,” nagagalit na sambit ng
marungis na bata. Binalot siya ng matinding kaba kaya’t pinilit niyang lumipad ng
matagal-tagal sa ere.
“Isa,
dalawa, tatlo, go!”
Sa
alapaap ay nakasalubong niya ang makulay at magandang saranggola.
“Ha-ha-ha,
kawawang eroplanong papel. Walang kulay at walang silbi. Saglit lang na
mananatili sa ere at lalagpak na agad sa tabi-tabi.”
Nakasalubong
din niya ang isang maliit na pipit. “Ano ba ‘yan eroplanong papel. Hindi mo na nga
napapasaya ang marungis na bata, hindi ka pa nakakatulong sa kalikasan. Kung
tulungan mo na lang kaya akong maghasik ng butil sa lupa at nang magkasilbi ka naman.”
Lubusang
nalungkot ang eroplanong papel. Pakiramdam niya’y wala siyang silbi. Pakiramdam
niya, siya’y aping-api. Natanaw niya ang marungis na bata sa baba. Pilitin man
niyang magtagal pa sa ere ay hindi na niya kaya. Tatanggapin na lamang niya ang
kapalarang naghihintay sa kanya.
“Ang
bilis mo namang dumaong sa lupa!” padabog na sambit ng marungis na bata.
Kinusot-kusot siya nito. Lubusan niya itong dinamdam ngunit wala siyang magawa.
Pagkatapos ay inihagis siya sa ere na parang isang basura.
Ilang
araw ang nagdaan at kung saan-saan siya dinala ng kapalaran. Sinipa-sipa siya ng
mga bata, nilipad siya ng malakas na ihip ng hangin, at natabunan siya ng mga buhangin.
Palagi
siyang umiiyak hanggang sa may isang batang dumampot sa kanya sa gilid ng kalsada.
Nanlaki ang kanyang mga mata sa kanyang nakita. Muling nagtagpo ang landas nilang
dalawa ni Myra.
“Myra!”
“Papel?”
“Salamat
naman at nagkita tayong muli. Maari mo pa ba akong iuwi? Handa na akong itagong
muli sa madilim mong bag basta’t sa bawat umaga’y bubuklatin mo ako upang sa iyong
pag-aaral ay mayroon akong maiambag.”
“Ngunit
hindi na kita maaaring sulatan. Hindi na rin kita pwedeng isama sa mga malilinis
kong papel,” malungkot nitong wika. Hindi nila namalayang tumutulo na pala ang kanyang mga luha.
“Baka
naman magamit mo pa ako sa ibang paraan?”
“Naghahanap
ako ng mga basurang papel. Proyekto kasi namin sa isang asignatura ang gumawa ng
basket sa pamamagitan ng papier-mâché.”
“Gawin
mo ang nais mong gawin sa akin, Myra,” pagsusumamo niya.
“’Kapag
nagawa ko iyon, makakapagtapos na ako sa elementarya.”
“Hindi
ka pa rin nagbabago, Myra. Masipag ka pa rin sa iyong pag-aaral. Kung ikaw na
lang sana ang itinuring kong idolo, sana’y magkasama pa rin tayo,” nalulumbay niyang
sambit.
“Magsasama
pa rin naman tayo. Kailangan nga lang kitang pagpunit-punitin at muling pagdikit-dikitin.”
Sabay
silang bumuntong-hininga.
“Kung
ito ang aking magiging katapusan ay handa kong tanggapin. Handa na akong
magkagutay-gutay, magkaroon lamang ng halaga at silbi ang aking buhay.
Mahinahong
dinala ni Myra ang papel sa kanilang bahay. Sa mga susunod na mga linggo ay
makakapagtapos na ito sa elementarya. At masaya si papel na sa muling pagkakataon
ay magagawa niya ang natatangi niyang papel sa buhay ng bago niyang idolong si
Myra.
Comments