Ang Nakatagong Idolo sa Loob ng Posporo
“Idol,
idol, idol!”
Narinig ko ang malakas
na hiyawan ng mga kaibigan ni Jansen. Naghanda na ako. Tiyak na mapapalaban na naman
ako sa araw na ito. Ilang dahon ang sinabsab ko kagabi upang magpalakas ng katawan.
Kailangang manalo ulit ako sa labanang ito.
“Ito na ang araw na ating
pinakahihintay,” umalingawngaw ang boses ng batang host sa laro. Nasa loob ako ng posporo. Madilim man at wala akong makita,
nararamdaman ko pa rin ang ligalig na nadarama ng mga bata. “In the left corner, ang pambato ni
Jansen, si Gagambuhala!”
Unti-unting bumukas ang
posporo. Nasilaw muna ako sa matingkad na sikat ng araw bago ko maaninag ang malapad
pagkakangiti ni Jansen. Pagkatapos, nakita ko din ang mukha ng kanyang mga kaklase
na punong-puno ng pananabik habang walang humpay na sumisigaw.
“Idol Jansen! Idol
Jansen!”
Nagsimulang maging idolo
si Jansen ng kanyang mga kalaro simula nang mahanap niya ako sa loob ng mga matitinik
na puno ng kalamansi. Katatapos lamang noon ng mahinang pagpatak ng ulan at
tinatanggal ko ang mga maliliit na butil ng tubig sa aking sapot nang magkita
kami. Nanlaki ang kanyang mga mata. Animo’y nakakita siya ng ginto.
“Gagambuhala!”
sambit niya.
Dahan-dahan niya akong
kinuha sa aking sapot at inilagay sa isang masikip at madilim na posporo. Noong
una’y nagpumiglas ako ngunit nakiusap siya sa akin.
“Pagbigyan mo naman ako
Gagambuhala! Palagi na lamang akong natatalo ng aking mga kaeskwela. Walang may
gustong makipagkaibigan sa akin dahil isa daw akong lampa. Gusto ko namang maranasan
ang kabiliban at maging idolo ng aking mga kaibigan.”
Palagi niya akong kinakausap
matapos niya akong pakainin ng mga dahon ng kalamansi. Ako lamang ang palagi
niyang kasama; ang itinuturing niyang matalik na kaibigan. Nag-iinsayo kami
upang makondisyon ang aking katawan. At nang sinabak niya ako sa labanan, nagsimulang bumilib sa kanya ang kanyang mga kaibigan.
“Wow! Ang laki naman
ng alaga mong gagamba!” sambit ni Junjun.
“…at ang ganda ng kulay.
Kamangha-mangha talaga!” sunod na sabi ni Monmon.
Simula noon, palagi nang
maaliwalas ang mukha ni Jansen. Animo’y siya na palagi ang bida lalo na noong
una akong nanalo sa laro. Hanggang sa naging lima ang aking panalo; hanggang sa
naging sampu. Simula noon ay tinatawag na siyang idol ng kanyang mga kalaro.
Ito na nga at
nananabik na naman akong lumaban upang manatiling idolo si Jansen ng kanyang
dumarami pang mga kaibigan. Mas lalong pinalakas ng mga hiyawan ang aking loob.
Handang-handa na ako sa aking ikalabing-anim na panalo.
Inilagak ako ni
Jansen sa mahabang patpat. Hanggang sa marinig kong muli ang host.
“In the right corner, ang pambato ni
Franz, si Gagambagsik.”
Binuksan ni Franz
ang kanyang posporo at nang inilabas nito si Gagambagsik ay mas lalong sumidhi ang
hiyawan ng mga bata. ‘Di hamak na mas malaki ang katawan ni Gagambagsik. Ang mga
pangil nito’y nakakasindak. Ang maitim nitong kulay at ang pulang linyang nakaguhit
sa likod nito ay tunay ngang kamangha-mangha.
“Isa, dalawa, tatlo, go!”
Hindi ako nagpasindak.
Kailangan ko muling manalo. Tulak dito, suntok doon at sinasabayan pa ng tadyak.
Hanggang sa hindi ko na namalayan kung ano ang sumunod na nangyari matapos
akong mahulog sa patpat.
“Lumaban ka,
Gagambuhala!” pasigaw na sambat ni Jansen.
Muling nagising ang
aking diwa. Umakyat akong muli gamit ang aking sapot kahit na tila’y napilay
ang aking mga galamay. Huminga ako ng malalim upang ibigay ang aking pinakamagandang
laban. Ngunit muli akong nahulog at tuluyang bumagsak sa lupa.
“Idol Franz! Idol
Franz! Idol Franz!”
Dinampot ako ni
Jansen at ipinasok sa posporo. Bago niya ito tuluyang naisara, naaninag ko muna
ang madilim niyang mukha. Mukha ng isang batang puno ng pagkatalo. Animo’y katapusan
na ng mundo. Malungkot akong humalukipkip sa tabi habang naririnig ko pa rin ang
hiyawan ng mga bata sa labas ng posporo.
Comments