Kulateral [Published by Philippine Panorama]
Aanhin ko pa ang pag-alwan ng aking lupang tinutungtungan,
Kung ang aking buhay ay wala nang kahulugan...
Title: Kulateral
Published by: Philippine Panorama
Publication Date: 08/20/2017
Kung ang aking buhay ay wala nang kahulugan...
Title: Kulateral
Published by: Philippine Panorama
Publication Date: 08/20/2017
Kanina lang ay napakatahimik ng gabi. Maririnig mo ang animo’y tawanan ng mga lamok na hindi mapuksa-puksa ng mamang nagbebenta ng balut sa sulok ng Roxas Boulevard. Kanina pa niyang nais matulog at magpahinga ngunit napakapilyo nga nitong mga lamok. Gumamit na siya ng kung ano mang spray na napulot niya sa basurahan ng katabing hotel kahapon ngunit ayaw pa rin siyang tantanan ng mga ito, ayaw siyang bigyan ng pagkakataong maidlip man lang.
“Lumaban ka Lando. Lumaban ka!”
Animo’y lumaklak ng galun-galong kape ang mama sa laki ng kanyang mga mata dulot ng matinding kaba. Napatayo siya ng tuwid nang may humaripas na traysikel papasok ng Ospital ng Maynila. Iyon lang ang narinig niya mula sa isang ale. Umiiyak ang may katandaan at nababahalang boses nito. Maaaring boses iyon ng nanay ni “Lando”.
Babalik na sana siya sa pagkakahiga nang may isa pang traysikel ang humarurot papasok sa ospital.
“Lumaban ka Ate Ester. Lumaban ka!”
Muli siyang napatayo at sinundan ng tingin ang laman ng traysikel. Nakita niya ang isang babaeng manganganak na ‘ata.
Sa wakas ay tinantanan na siya ng antok. Inilabas niya sa kariton ang kanyang tindang balut na nasa isang basket. Isinalansan niya rin ang kanyang mga tindang yosi at kendi at pagkatapos ay pinailawan ang maliit na bumbilyang di-baterya.
“Kuya, dalawang menthol nga.” Isang may kapayatang lalaki ang lumapit sa kanya. May kasama itong lalaking kasing-payat lang din ‘ata nito.
“Putsa naman pare. Parang pinatay ko na rin ang utol ko nito!”
“Ano ka ba Lance! May plano ka naman talagang magpa-rehab diba?”
Binalot muna ng katahimikan ang buong lugar. Walang may lumabas na salita sa bibig ng dalawang lalaki. Parehong nakatunganga ang mga ito habang humihitit ng sigarilyo. Maya-maya lamang ay biglang humikbi si “Lance”.
“Ang bait ng kakambal ko! Dapat ako ang nakaratay do’n. Put*** in*!”
Hindi na sumagot ang kasama nito. Hinayaan nito itong umiyak nang umiyak habang hinihimas ang likod. Muling tumahimik.
“Kuya Lance…” garalgal ang boses ng isang dalagitang lumapit sa mga kalalakihan. “Hindi po nakayanan ng baby ni Kuya Lando…” hindi na nito naituloy ang pagsasalita. Inihilamos ni “Lance” ang mga palad sa mukha nito.
“Mga anak…” may katandaan ang pambabaeng boses na iyon. “Wala na rin si Ester. Wala na ang manugang ko!”
Tumayo si “Lance” at nagsimulang magwala. Tinadyakan nito ang kanyang maliit na kariton. “Put*** in* niyong lahat!” Pinigilan ito ng kasamang lalaki ngunit pumaling lang ito at ang ibang nagtitinda naman ang pinag-diskitahan. Tinadyakan nito ang mga paninda at pinagtatataob ang bawat mahawakang upuan o mesa.
Maya-maya lang ay dumating ang kagawad ng pulisya at dinampot si “Lance”. At tuluyan na ngang gumuho ang damdamin ng dalawang babae. Hinimatay ang ina nito at mabilisang isinugod sa loob ng ospital. Naiwang mag-isa ang dalagita, hindi batid kung kasiya-siya pa ba ang unti-unting pagsabog ng umaga.
Ang bilis ng oras. Pumasok na rin sa loob ng ospital ang dalagita. Mabuti na lang at hindi napuruhan ang kanyang paninda. Hindi rin naman nasira ang kanyang karitong gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy. Inayos niya ang kanyang mga paninda. Lubusan nang sumabog ang liwanag sa bahaging iyon ng Roxas Boulevard. Pinulot niya ang ilang mga kalat na dulot ng pagwawala ni “Lance”. Sumagi sa kanyang mga mata ang spray na ginamit niya kagabi upang tupukin ang mga lamok. Katabi no’n ay ilang tutubing wala nang buhay.
Napatunganga siya. Hindi niya namalayang may mga butil ng luha ang tumulo mula sa kanyang mga mata.
Comments