Sa Banda Roon


Bilang paggunita sa paparating na Araw Ng Mga Patay, ibinabahagi ko po sa inyo ang nakakatulalang kwento ng paglalakbay... ng mga kaluluwa. Isa rin itong entri sa Saranggola Blog Award - Maikling kwento. Pacomment po, salamat.

“Shit!” nasapo ni Joel ang kanyang noo nang di na umandar ang kanyang sasakyan. Ilang beses na niyang ni-restart ang makina pero hindi talaga ito gumagana.
            “Buwisit na sasakyan ‘to!” namumula na ang kanyang mukha dahil sa inis. At halos sirain na nga niya ang manibela sa kahahampas ng kamay niya rito.
“Ngayon ka pa nagluko, ‘ina ka!” patuloy pa sa pagbuhos ng inis niya.
Tumirik ang sasakyan niya sa gitna ng kalsada papunta sana sa isang town sa Bulacan. Kailangan niyang pumunta doon para sa kanyang photo shoot kinabukasan. He is a freelance photographer na nahire ng isang mag-fiancé na ikakasal sa Barasoain Church kinabukasan. Kailangan niyang pumunta roon ng gabing iyon dahil may ilang photosession siyang gagawin sa prewedding set-up nito.
“Argh! I’m screwed now in this—” napigil niya ang kanyang sarili mula sa posible niyang pagbasag ng windowpane. “Eeh! Nasaan na ba ako?” napasandal siya sa upuan. Sinipat niya ang kanyang wrist watch and it was already 8:30PM. The scheduled appointment is 10PM kaya mas lalong nanikip ang kanyang dibdib dahil sa pinaghalong inis at kaba. Kinapa niya ang kanyang cellphone sa bulsa at nang subukan niyang magdial ay napansin niyang wala itong signal— he’s in a total deadspot.
“Argh!” wala ng lumabas na salita sa naibuka niyang bibig habang umaakto siyang ibabalibag ang cellphone sa kung saan mang sulok ng sasakyan. Napabuntong hininga siya ng malalim at muling napasandal sa kinauupuan. Umulap ang kanyang mga mata. Kung hindi lang siya isang tunay na lalake, marahil ay humagulgol na siya. Lumingon siya sa backseat at dinampot ang natanaw na jacket. Binuksan niya ang sasakyan at lumabas. Ipinatong niya sa kanyang ulo ang dinampot na jacket. Umaambon kasi sa mga oras na ‘yun habang namimilog ang makulimlim na buwan. Kailangan kong gumawa ng paraan o makahingi ng tulong kundi—
Nilulumot ang kalsadang makitid na kanyang binabaktas. Lumilingun-lingon siya sa magkabilang gilid ng daan. ‘Ina naman oh! Bakit ba ako napunta sa lugar na ‘to? Masukal na kakahuyan ang nasa gilid ng daanang mukhang wala ‘atang katapusan. Lakad siya ng lakad eh patuloy pa rin namang madilim ang dulo nito. Walang kabahay-bahay sa lugar, walang kahit na isang tao, walang kahit na ano, maliban sa ingay ng mga kulisap sa gabi. Tanging ang headlight lamang ng sasakyan niya ang nagbibigay liwanag sa paligid. Nang matunton niya ang katapusang hibla ng liwanag mula rito ay tumigil na siya.
Dahan-dahan niyang hinakbang ang mga paa pabalik sa kanyang sasakyan. Di pa rin humuhupa ang inis na kanyang nararamdaman pero di pa man siya nangangalahati sa distansiya niya  mula sa kotse ay—
“Shit ano ‘yun?” naibulong niya sa sarili.
Nabago ang kanyang emosyon dahil sa isang lalakeng ‘sing bilis ng hangin ang pagtakbo patawid sa daanan sa kanyang harapan. Hindi niya nakita ang mukha nito pero napansin niya ang red t-shirt na suot nito.
Naramdaman na lamang niya ang pananayo ng kanyang mga balahibo. Knowing na may tumakbo ay posibling may humahabol dito. Awtomatiko siyang tumakbo papalapit sa kotse at agad-agad na pumasok. Maya-maya lang ay naramdaman na rin niyang yumuyugyog na ang kanyang mga tuhod dahil sa kaba. Pinatay niya ang headlight ng sasakyan para hindi siya mapansin ng kung sino mang humahabol sa lalakeng ‘yun.  
Patuloy na tahimik ang gabi. Maliban sa nakangingilong tunog ng salamin sa bintana na dahan-dahan niyang isinasara paitaas ay naririnig din niya ang kaluskos sa kung saan— for sure, doon iyon sa lugar na pinuntahan ng lalake: sa masukal na kakahuyan sa gilid ng kalsada.  
  Ilang minuto na siyang nag-aabang sa kung sino mang nilalang na susunod na tatawid roon pero wala pa ring nagyari. Bahala na! Dahan-dahan niyang binuksan ang headlight ng kanyang kotse. Dahan-dahan niya ring naaninag ang isang aso— sigurado siyang asong gubat iyon. Hindi lamang ito malaki kundi malaking-malaki. Itim ang kulay nito at kawangis ng mga nauulol na askal sa kanto pero kakaiba nga ito dahil sa laki ng katawan nito at talim ng mga pangil na punong-puno ng dugo. Nilalapa nito ang di maklarong parte ng katawan ng kapwa hayop rin. Di siya sigurado kung bituka ba iyon ng pusa, o di kaya naaagnas na daga, o di kaya’y—
  Tinakpan niya ang kanyang bibig habang di mapigilang namulagat ang mga mata. Sinagi kasi ng nguso nito ang kaninang ikinubling kamay ng isang tao. Halos masuka siya sa nakita hanggang sa lumingon ang aso sa kanya. Kumikintab ang mga mata nitong sumasabong sa liwanag ng headlight ng sasakyan niya. Mas lalo pang namulagat ang mga mata niya nang direkta siya nitong titigan. Bigla niyang inilayo ang kanyang mga mata mula nakakahipnotismo nitong mga titig. At nang muli niyang iniangat ang tingin rito ay—
Aaawr, awr awr! Halos mapalundag siya sa kaba ng bigla na lang itong kumahol sa gilid at labas ng kotse niya. Mabuti na lang at naisara niya iyon kanina kundi nakagat na siya nito o di kaya’y— nalapa. Shit, anong gagawin ko?
            Hinanap niya ang cellphone sa sahig ng kotse habang palakas ng palakas ang kahol ng nauulol na animal. Ilang segundo rin ang nakalipas bago niya makapa ang phone. Wala pa rin itong signal kaya napasanghap na lang siya ng masamang hangin habang patuloy ang pangangatog ng kanyang mga tuhod.  Naisandal niya ang kanyang ulo sa head board ng sasakyan at mukhang wala na siyang magagawa kundi ang palipasin ang mga pangayayaring iyon. Hanggang sa tumahimik ulit. Maaaring napagod na ang loko!
            Iginala niya ang tanaw sa labas ng sasakyan. Tanging eyeballs niya lang ang gumagalaw. Pigil ang kanyang hininga. Rinig na rinig niya ang kabog ng kanyang dibdib. Nagpatuloy pa ang pag-alog ng kanyang mga tuhod at maya-maya lang—          Shit!
            Akalain ba niyang nakalimutan niyang ilock ang pinto sa likod ng kanyang kotse. Lintik na! Umuka ang pinto sa likod. Nagkandabuhol-buhol ang isipan niya. Lalabas ba siya? Tatakbo? Isasara ang pinto? Pero di nga niya magawang lumapit sa pinto ng kotse eh. Susunggaban ba niya ang asong ulol? Sa dami ng tanong sa isip niya, napansin na lang niya ang sarili na kumakapa ng kahit na anong bagay na puwede niyang ihampas rito. Sa pagkakataong ‘yun ay mas lalong nanginig ang buo niyang katawan. Natanaw niya ang nguso ng halimaw na ‘yun at wala pa rin siyang nakapang kahit na ano. Hanggang sa natanaw niya ang stand ng camera niya sa upuan sa likod. Dumukwang siya pero—
            Aaawr, awr awr!  “Naloko na!” tuluyan ng nakapasok ang naglalaway na halimaw. Pinihit niya ang pinto at lumabas siya. Wala ng naisip pa ang kanyang litong isipan kundi ang tumakbo— subrang bilis na takbo na kailanma’y di niya aakalaing magagawa niya. 
            Patay! Sumusunod ang asong ulol. Mas lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo. Sa di kalayuan ay nagbabadya ang mga pangil nitong handang kumitil ng buhay. Ito ang sumagot sa tanong niya tungkol sa lalakeng nakapulang shirt at singbilis ng hangin ang pagtakbo. Mukhang nakikita na niya ang sarili sa lalakeng iyon pero napapikit siya sa posibleng parehong kahinatnan nila. Sino ba ang gustong malapa? Lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo na halos umangat na siya sa lupa dahil sa bilis. Kahol pa rin ng kahol ang halimaw hanggang—
            Blag! Nabunggo siya sa isang mamang nakasalubong niya.
            “Berna!” sigaw ng mama sa asong halos malapit na sa kanya. Tumigil naman agad ang aso sa pagtakbo at himalang umamo ito na parang kuting. “Bakit ba naman gumagala-gala ka sa gitna ng gabi,” halos pasigaw na paninisi ng matandang mama. May biguti ito at di gaanong kalakihan ang pangangatawan. Napaluwa ang mata niya sa suot nito: polo shirt na tinanggalan ng manggas katulad na katulad ng suot ng mamang nilapa. Nilapa nga ba ‘yun o ito rin ang lalakeng iyon? May kasama itong batang lalakeng nasa anim na taong gulang na ‘ata. Payat ito’t aninag ang depresyon sa mukha. Nakahawak ang kaliwang kamay nito sa matandang lalake samantalang bitbit naman ng kanang kamay ang gasera. Mukhang maglolo ang dalawa. Animo’y nagkaroon ng relief sa mukha ng mga ito nang makita ang– alagang aso? Sino ba ang mag-alalaga ng ganoong klaseng hayop.
            “Nasiraan po kasi ako—” di na siya pinatapos ng mama sa pagpapaliwanag. Tumalikod ito at sumabay ang asong mas lalong lumaki sa kanyang paningin. Kasing laki ito ng mga sniffing dog sa mga mall. O di kaya’y mas malaki pa nga pero nakakatakot ang hitsura nito—mapula ang mga mata, patulis ang nguso na hindi pangkaraniwan, mas matulis ang pangil na nakausli at— basta di niya maipaliwanag, nakakatakot talaga!
             “Pumunta tayo kay kapitan para humingi ng tulong,” saad nitong walang kabuhay-buhay at walang hibla ng sinseridad. Gusto niyang umayaw at babalik na lang sana siya sa kotse. Pero anong malay niya? Baka bulungan na lang nitong bigla ang halimaw at ipalapa siya. Susunod na lang siya sa mga payo nito habang di pa nakakahanap ng tiyempong makalayo. 
            “Diba sabi ko sayo wag kang gagala?” inis na sambit ng matandang mama sa aso. Kumakahol naman ito na parang sumasagot sa mga sinasabi nito. “May nilapa ka na naman ano?” patingin-tingin pa ito sa asong sumasabay sa paglakad nila sa kung saan. “Ang kulit kasi ni nanay kaya maraming umaaway sa atin?” Paanong napasok sa usapan ang nanay ng batang ito?
“Gusto mo bang malatigo?” huminto ang mga ito sa paglakad at hinarap ang aso. Huminto rin siya’t nanghilakbot. Para silang mag-ama o di kaya’y mag-asawang nag-aaway. Nanunuyo na ang lalamunan niya at lumalagkit lalo ang pawis na ipinapaligo niya sa buong katawan.
“Sigi lo, latiguhin mo ‘yan ayaw kasing makinig,” kaswal na sambit ng bata. Nanayo ulit ang balahibo niya. Ang dami niyang tanong pero ayaw niyang malaman ang sagot. Kakaiba na ang kahol ng aso. Para itong nagtatampo dahil parang pinagtutulungan ito ng dalawa.
“Berna!” suway ng matandang mama pero mas lalong lumakas ang kahol nito. “Berna!” sumunod na sumigaw ang bata at hinablot nito ang latigo ng ama. Nilatigo nito ang halimaw na agad namang napikon. Napaatras siya habang nang-iinit ang kanyang buong katawan dahil sa takot. Sinunggaban ng aso ang bata. Napamulagat siya ng mata at mas lalo pa siyang napapaatras. “Berna!” nais umawat ng lolo dahil sinakmal na nito ito. Nagsusumigaw na ang batang lalake.  Napahiga na ang manipis na katawan nito sa sementadong daan. Nakakrus ang mga payating kamay nito bilang panangga sa sumusunggab na halimaw. Nilalatigo ng lolo ang aso pero wala itong epekto. Gumagaralgal na ang boses ng bata at mas lalong lumalakas ang suway ng matanda rito pero mukhang ayaw makinig ng halimaw. Tumagos ang mga pangil nito sa leeg ng kawawang bata. Bumaha ng dugo. Lapnos ang balat nito. Iwinasiwas nito ang murang katawan ng bata. Tumilapon ito. Sumunod ang aso. Sumunod rin ang matanda. Nais nitong magmakaawa pero abala ito sa paglapa ng—lumuwa ang bituka ng kawawang bata. Umalingasaw ang amoy ng dugo at—lamang-loob. Wala na itong buhay pero dilat na dilat ang mga mata.  Napapikit siya habang naririnig ang umaalingawngaw na boses ng matanda. Bumukas muli ang kanyang mga mata at kahit ipagpilitan niyang totoong lalake siya ay tumagas pa rin ang mga luha mula roon— sa puso niya
Hinarap ng halimaw ang takot na takot na lolo ng batang nakahandusay sa daan. Mas lalong nakakasindak ang hitsura ng halimaw na mas lalo pa ‘atang sumidhi ang lakas. “Berna, wag ako?” pagmamakaawa ng matanda. At sabay ang mga itong lumingon sa kanya— sa mukha niyang nag-uumapaw ang kaba. Gumana ang sinyales sa utak niya at  inutusan siya nitong tumakbo ng tumakbo ng tumakbo hanggang sa matunton niya ang isang baranggay ng may nagkukumpulang tao. “Tulong! May batang nilapa—” naputol ang sasabihin niya.
“Umuwi ka na,” sigaw ng isang ale. Napatulala siya— mukhang ayaw siya nitong paniwalaan. “Mga kaluluwa ‘yun ng pamilyang minasaker ng mga ligaw na asong gubat. Hindi makapaglakbay papuntang langit.”
Nagtatanong na naman  ang kanyang isip pero mukhang pagod na siya’t napaupo na lang sa isang tabi—di pa rin mapigil ang pagdaloy ng mga luha sa mga matang nagbigay sa kanya ng sari-saring tanong. 

Ito ay lahok sa:

http://www.saranggolablogawards.com/

Na inilunsad sa pakikipagtulungan ng:


Salamat sa mga sponsors:





Comments

goodluck sa creepy entry mo na to. Pareho tayo ng entry... nakakatakot din. hehe :)
I followed ur blog :) hope u visit my blog :)
TulaLang Pinoy said…
Hi Archieviner. Thanks for following. Good luck lahat ng participants. I'll follow your;s.