True Philippine Ghost Stories 31: Maikling Rebyu

Lumabas na nga sa merkado ang pinakahihintay kong serye ng True Philippine Ghost Stories 31. Kabilang ang dalawa kong maiikling kwento sa pagtitipon ng makatutuhanang kwentong isinakatuparang mailimbag ng PSICOM Publishing. 




Natuwa ako sa kinalabasan ng pagtitipong ito. Magaling ang mga hurado sa pagpili ng mga kwentong hindi eksaherada, makatutuhanan, matino at Pilipinong-pilipino.

Isa sa mga akda ko, na pinamagatang Engkwentro Sa Amamayong, ang nanalo ng ikatlong gantimpala kaya isa ako sa mga unang nagkaroon ng kopya nito. Nakakatuwa ring basahin sa kabila ng katatakotang inihatid ng isa ko pang kwentong may pamagat na Don't Call My Name.



Maliban sa aking mga kwento, inabangan ko rin ang mga kwento ng iba pang kalahok. At basi sa aking pagbabasa at panlasa, tatlo sa mga kwentong iyon ang  gumimbal sa aking pagkakaupo habang ginagalugad ang mga salitang nagbabadya ng katatakutan.

A. Ancestral House ni Charlotte Cano: Malapelikula, parang serye sa telebisyon, o di kaya'y serye sa Okatokat ni Agot Isidro. Maaaring mapataas ka ng kilay at sabihin mong, Ows, talagang bang nangyari 'to? Pero, makatutuhanan man o hindi, ang mahalaga ay nakakatakot ang kwento at naramdaman ko ang panininindig ng aking balahibo dahil dito. Yun na!

B. Aklatan ni Ariston R. Dela Cruz: Nakakaintriga. Ang galing ng pagsusulat ni Ariston. Alam niya kong kailan dapat magkwento at kailan dapat manakot. Medyo open ended at hypothetical ang ending pero may mga linyang talagang di  makakalimutan kaya swak siya sa librong ito!

C. Hunyango ni Joy Anne Cruz Fabre- Ortiz: Di ko alam pero sa una'y nakukyutan ako sa kwentong ito sa halip na matakot. Ang 'cute' niya kasi nakakaloko ang plot. Matapos mo itong mabasa ay unti-unti ka ng magdadalawang isip. Paano kong mangyari 'to sa akin? Hiyaaaay!


Sa halagang P100, tiyak na magkakaroon ka ng kakaibang karansan sa pagpasok sa mga kwento ng iyong mga kaibigan at kapwa kabataan ng makabagong panahon. Tara na, malay mo ang kwentong iyong binabasa ay kwento mo rin. Baka tumambling ka.

Comments