Nang Di Matuloy Ang Pagbangon Ng Araw

Repost: Naalala kong ipost muli ang maikling salaysay kong ito bilang pag-alala sa kanilang paglisan.



Panalangin: Panginoon, sana'y utusan Mo ang iyong mga anghel na salubungin ang aking kambal na pamangkin sa kanilang pagdating sa Inyong kaharian. Pitong buwan lamang silang namalagi sa tiyan ng kanilang ina at isa-isang inilagak sa kandungan ng mundo, walang buhay ang isa. Ang isa nama'y sumunod ilang oras lamang sa loob ng ospital. Isang pampalubag-loob na walang masamang nagyari sa kanilang ina pero naniniwala parin ako na Ikaw ay may malaking dahilan sa mga pangyayaring ito. Sana'y ubos na ang luhang iniyak ko. Sana matapos agad ang aming pangungulila sa kanila. Panginoon ikaw ang aming lakas at ang lahat ng ito'y makakayanan namin sa Pangalan Mo, Amen!


Isang pangarap para sa akin ang magkaroon ng pamangkin na kambal sapagkat wala sa aming dugong nananalaytay ang kambal na supling. Naalala ko si Richard at Raymond Gutierrez noong nag-endorse sila ng Twin Milk. Ang cute nilang dalawa, mga tabachingching na bida. Naalala ko rin ang kapitbahay namin na isang inang may anak na kambal. Binibilhan niya ang mga ito ng parehong damit, sapatos, laruan, ipit sa buhok, toddler's eye-shade, at iba pa. Ang saya nilang pagmasdan na lumalaking pareho ang mukha pero iba ang ugali, ang interes, ang nais marating sa buhay at nais tahaking daanan.


Picture from google.com




Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas, nakatanggap ako ng balita mula sa aming probensiya sa Samar. Kambal daw ang dinadala ng asawa ng aking kapatid. Tumalon naman ang aking puso sa galak. Ngumiti ang langit para sa aking kaligayang nadama. Agad-agad kung inanounce sa FB ang balita. May naglikes, may nag-congrats, may nagcomment. Masaya, maganda sa pakiramdam. I was so excited na makita silang lumalaki. Gusto kong maranasan na tumatakbo silang palapit sa akin upang humingi ng kendi at pera. O di kaya'y makipaglaro sa kanila ng sakay-karabaw. Sila ang mga kunwaring magsasaka at ako naman ang kalabaw na sinasakyan nila sa likod. Actually, marami na akong pamangkin pero gusto kong matry naman ang kambal. Perfect na sana ang mga mangyayari pagdating ng Pebrero, kapanganakan nila.


Hanggang sa may dumating na text message. "Manganganak na daw!" May isa pang message na sinundan ng isa pa. Marami ang mga messages kaso alas-kwatro na ng hapon ng ito'y aking mabasa. Ganong oras lang kasi ako na gising. Umaga pa pala ang mga mensahe. Text ako kaagad kung anong nangyari. Patay daw ang isa (babae sa fraternal twin). nalungkot ako pero at least buhay ang isang baby at walang masamang nagyari sa ina. Pumasok ako sa work, ipinagsa-Diyos na lang ang mga nangyari. Nanalangin at humingi ng gabay habang patuloy sa pagtatrabaho.


2AM, matapos akong mag 1Hr break sa work, binasa ko ulit ang mga text messages. Kinabahan ako, kinutuban. Patay na daw ang dalawa? Nag-ulap ang aking mga mata, pinigilan kong maluha. Trabaho ulit pero wala na sa focus. Trabaho lang kahit gusto ko ng umuwi. Hanggang sa ilang minuto na lang ang nalalabi't mag-aalas sais na ng umaga, uwian na. Malayo ang iniisip habang nakasakay sa jeep. Nanaginip lang ba ako? Parang ayaw kong paniwalaan ang lahat. Hanggang sa makauwi ako sa bahay at masinsinang kinausap sa cellphone ang mga taong nasa probensiya kung saan ipinanganak ang kambal. Totoo nga, kumpirmado, wala na sila, sabay ng paglisan ng pagkakataong masilayan silang lumalaki. Tuluyan ng tumulo ang luha ko, nagbaha sa kumot na itinalukbong ko habang pinipigilan ang pagngawa. Masakit, masakit na masakit. Pinaghandaan ko pa naman ang kanilang kapanganakan sa Pebrero. Inihanda ko pa naman ang aking sarili na maging isang huwarang tito sa kanila. Kaso wala na, tinawag kaagad sila ng Panginoon. Di ko pa maintindihan ang Kanyang mga rason pero alam kong mabibigat ang mga 'yon. Di ko alam kung tinubos ng kambal na 'yon ang posibleng kapahamakang maaaring nangyari sa ibang miyembro ng aming pamilya (may mga pamahiin kasing ganito).


Panginoon, naniniwala ako sa kapangyarihan Mo. Gabayan Mo po kaming lahat at patatagin pa sa mga panahong tulad nito. Lalo na po ang ina ng kambal, si Lina, na maging malakas ang kanyang loob sa kabila ng bagyong tinahak niya. Salamat pa rin Panginoon sa Iyong pagmamahal. Ano man ang iyong dahilan, mas matimbang pa rin ang pagmamahal Mo sa aming pamilya.


Aking dalawang anghel, maniwala kayo, masaya daw sa langit, sabi nila. Mahal ko kayo at sa kabila ng nangyari, mananatili pa rin akong tito sa ilang sandali ng mga ala-alang binuo niyo sa aking isipan,  puso, pangarap at buong katauhan. Ba-bye!




Comments