Bawal Tumawid, Nakamamatay! [PUBLISHED BY PHILIPPINE PANORAMA]

Published on: January 22, 2017
Published by: Philippine Panorama; page 8-9
Volume 45 No. 4

 “La ilaha illallah
Muhammad rasulallah
‘Alayhi salatullah…
Binalot ng misteryosong musika ang buong komunidad ng mga Muslim sa lugar ng Quiapo. Umaalingangaw ang kaluluwa ng pag-awit nito sa bawat sulok ng lugar. Nakatayo ako sa harap ng bangkaroteng panaderyang nilalangaw. Alas tres ng hapon– madilaw ang sinag ng araw. Manipis at maalinsangan ang ihip ng hangin. Tanaw ko ang Masjid Al-Dahab mula sa di kalayuan. Isa itong gintong moske sa kahabaan ng Globo de Oro sa Quiapo.
La ilaha illallah
Muhammad rasulallah
‘Alayhi salatullah…
Animo’y nagluluksa ang pag-awit nito. Bilang ang mga tao sa lugar. Halos itago ang lugar upang mapanatili ang hiwaga at kabanalan nito.
Pusang gala! Mukhang naliligaw ako,” bulong ko sa sarili. Ipinagtanong ko na sa tindera ng panaderya kung paanong tuntunin ang Arlegui ngunit hindi nito maituwid ang direksyon ng lugar.
Ate,” iwinaglit ko muna ang pakay sa Arlegui. “Ano pong meron doon sa Moske at animo’y di matapus-tapos ang nakakakilabot na pagkanta?”
Dapat ay mailibing kaagad ang patay sa loob ng 24 oras,” bigla nitong sambit. Awtomatikong nanayo ang aking balahibo. Iginala ko ang aking tingin sa paligid. Tanging ang panaderya lamang ang bukas na establisyemento sa lumang gusaling iyon. Ang karamihan sa mga tao ay abala sa ibang bahagi ng Quiapo. Doon sa lugar na iyon– parang walang nais manatili. Ni walang nais magawi.
Kailangang paliguan ang bangkay na muslim bago ito ilibing,” patuloy nito sa pagkukuwento. May kapayatan ang ale at naninilaw ang apron nitong suot. Iginala kong muli ang aking paningin hanggang sa may napansin akong kakaiba sa lugar.
Paanong…?”
Nasa Globo de Oro Street corner Elizondo Street ako. Hindi ito pangunahing lansangan. Hindi gaanong maluwang ang daan ngunit bakit may karatolang, Bawal Tumawid, Nakamamatay!
Janazah ang tawag sa dasal ng mga muslim na alay sa patay,” muling kinuha ng ale ang aking atensyon. “Kalimitang nagtatagal ang dasal sa loob ng limang minuto,” palalim nang palalim ang boses nito. “O mas mahaba pa kung minsan. Alam mo ba kung bakit?” hinawakan nito ang aking braso kaya’t nabigla ako.
Ha ah-eh,” pinutol ako ng ale.
Dahil hindi pa pinahihintulutang tumawid ang kaluluwa nito.”
Teka, teka!” ipinakli ko ang usapan. “Maiba tayo. Bakit may karatolang Bawal Tumawid, Nakamamatay sa lugar na ‘to eh hindi naman kalawakan ang daan dito? At wala namang nagdaraang malalaking sasakyan dito, diba?” Sinulyapan ng ale ang kinalalagyan ng karatola.
Hindi ‘yan orihinal na nakaposte sa lugar na ‘yan,” pabulong nitong sambit. Saka ko lang napansin na nakahilig pala ang karatolang kulay rosas. Pinansin ko ang pundasyon nito at hindi nga ito nakabaon sa lupa.
Galing ‘yan sa Quezon Boulevard,” di ko mawari kong bakit pabulong nitong ikinukuwento ang tungkol roon. “Ngunit sundin mo ang babala!” mariin nitong sambit. Mahigpit nitong hinawakan ang aking kaliwang kamay. Agad ko itong binawi. “Dahil seryoso ang babala. ‘Wag na ‘wag kang tatawid sa lugar na ‘yan. Nakamamatay!”
Paanong nakamamatay…” bago ko pa matapos ang aking katanungan ay biglang naalarma ang ale. Isang pulutong ng kalalakihan ang nagsitakbuhan sa aming harapan. May bitbit ang mga ito ng sako-sakong piniratang DVD. Kasunod nu’n ay mga kababaihang nagsisitangisan habang nagmamakaawa sa mga kagawad ng pulisya. Isang pulutong ng pulisya ang gumalugad sa lugar na aking kinalalagyan. Nasa loob pala ng mga saradong establisyemento ang lugar-pagawaan ng mga piniratang DVD. Sinubukan kong ikubli ang aking sarili sa loob ng panaderya ngunit mabilis na itong naisara ng ale. Nalito ang aking isipan. Naghahanap ako ng mapagtataguan nang biglang umulan ng basag na bote. Lalong sumidhi ang kaguluhan. Tumakbo ako sa kung saan hanggang sa biglang nanilim ang aking paningin. Kumapit ako sa isang poste habang ang isang kamay ko naman ay marahang kinakapa ang aking tagilirang may tagas ng dugo. Bago man ako lisanin ng aking malay ay nabasa ko ang nakasulat sa karatolang aking kinapitan, Bawal Tumawid, Nakamamatay!
La ilaha illallah
Muhammad rasulallah
‘Alayhi salatullah…
Mula sa kawalan ay mataman kong pinagmasdan ang aking sarili na walang buhay. Ramdam ko ang paghiwalay ng aking kaluluwa sa aking katawang lupa. Dapat mailibing ang patay sa loob ng 24 oras. Naalala ko ang sabi ng ale. Pinaliguan nila ang aking katawan at nang malinis na ay binalot nila ang aking katawan ng puting tela, simbulo raw ng kalinisan, sambit ng isang Imam.
La ilaha illallah
Muhammad rasulallah
‘Alayhi salatullah…
Nakita ko rin ang isang di kalakihang hukay. May hugis na titik L sa ilalim nito. Mistulan itong kuweba na paghihimlayan ng aking katawan. Nakaharap ito sa direksyon kung saan lumulubog ang araw– ang deriksyong kinalalagyan daw ng banal na Mecca.
Umihip ang malamig na hangin. Sumindi ang sari-saring boses na umiiyak at humihingi ng tulong. Hanggang sa nakita ko na lamang ang aking sarili sa loob ng pook sambahan ng mga muslim. At doon naramdaman ko ang iba pang kaluluwang di lubusang makatawid sa paroroonan ng mga ito. Wala akong makausap nang maayos. Puro iyakan ng pagdurusa ang tangi kong naririnig.
Alas Sais ng gabi –
Tumunog ang kampana ng simbahan ng Quiapo.
Salve, Regina, mater misericordiae:
Vita, dulcedo, et spes nostra, salve.
Ad te clamamus, exsules, filii Hevae.”
Mas lalong lumakas ang ihip ng hangin. Ang mga iyakan ay lalong sumidhi. Nakikita ko sa di kalayuan ang aking katawang pinapalibutan ng mga kalalakihang muslim.
Ad te suspiramus, gementes et flentes
In hac lacrimarum valle.
Patuloy din ang pananalangin sa loob ng Masjid Al-Dahab.
La ilaha illallah
Muhammad rasulallah
‘Alayhi salatullah…
Sabay-sabay itong umalingangaw sa buong lugar ng Quiapo habang bumabalot ang dilim at pasidhi ng pasidhi ang iyakan ng mga kaluluwang hindi pa nagawang makatawid sa kanilang paroroonan.
Eia ergo, Advocata nostra,
illos tuos misericordes oculos
ad nos converte.
Et Iesum, benedictum fructum ventris tui,
nobis, post hoc exsilium ostende.
O Clemens: O pia: O dulcis
Virgo Maria.
Bigla kong naramdaman ang paghigop ng aking kaluluwa. Huminga ako ng malalim at muling nag-init ang aking katawan. Unti-unti kong naramdaman ang kirot sa aking tagiliran. Nawalan muli ako ng malay at sa muli kong paggising ay nakahiga na ako sa loob ng umaandar na ambulansiya.
Nagkamalay na rin siya!” sambit ng isang ginang na nakasuot ng patadyong. Alam kong hindi ako nawalan ng memorya. Sigurado akong hindi ko kilala ang kanyang mukha ngunit bakit napupuno ng pagkabahala ang kanyang mga mata? Sa bandang likuran ng ale ay isa pang aleng may hawak na rosaryo. Nahahabag din ang mukha nito habang bumubulong ng animo'y panalangin. Ramdam ko ang bukal nilang pagmamalasakit.
Saglit lang ay muli kong naramdaman ang kirot sa aking tagiliran. Agad namang dumukwang ang dalawang lalaking nakasuot ng puting unipormi. Inayos nila ang aking pagkakahiga. “Malapit na tayo sa Ospital ng Maynila. Lakasan mo ang loob mo kuya!” Noon ko lang napansin na marami pala ang nakaagapay sa akin sa panahong mukhang babawian na ako ng buhay.
Tumagas ang luha sa aking mga mata. Isang pangitain lang pala ang pintuang di ko alam kung sa langit o sa impyerno ang hantungan. At ang mundo... may pag-asa pa.

Comments

Popular Posts