Paalam, Bayan ng Basilan Sana Kami'y Salubungin Mo, Manila
Paalam, Bayan ng Basilan
Sana Kami’y Salubungin Mo, Manila
Ni Ryan Labana
Ang ganda ng sikat ng araw,
At ang ulap ay mahinahon.
Di tulad roon –
Sa bayang aming tinakasan
Na maya’t mayang bumubuhos
Ang luha sa kalangitan.
Ama, saan man kami dalhin nitong sasakyan
‘Wag Niyo po kaming pababayaan.
Salamat sa huni ng maya –
Na humalili sa walang hanggang putukan,
Na dumuduyan sa ‘king kamalayan
Na tumutulak sa aming sasakyan.
Ano na kaya ang nangyari kina Mamang at Papang?
Sana’y hindi sila natulad
Sa mga bayaning matatapang –
Naputulan ng kamay,
Natagpasan ng paa,
Nalagutan ng hininga
Sa gitna ng giyera.
Mabuti na lang at naipuslit kami ni Ingkong
Habang tulog ang rebelde
At dumating ang gulong.
Siya na raw ang bahala
Sa pananim kung Bataw
Pati na rin kay Isko na magiting kung kalabaw.
Ama, heto si Nene sa tabi ko
Natutulog ng payapa, nagbabalat-kayo
Sana ay di na madamay pa
Ang nakatago niyang manika
Na wala mang buhay, animo’y lumuluha.
Malayu-layo na rin ang aming narating,
Ano itong kaba na lalong umiigting?
Nasaan na ang mga palayan?
Ang aplaya? Ang karagatan?
Wari itong natakpan
O sana’t natabunan lamang
Ng mga naglalakihang gusali
At ng modernong pamayanan.
Manila –
Ito raw ang aming patutunguhan,
Walang bombang kumikitil ng buhay,
Walang putukan.
Ito nga’t nagising si Nene
Sa mga mata niyang tulala
Takot ay hindi napawi
Sa masukal na pook
Nagbuhol-buhol ang pagsubok
May mga pangambang nakabalot
Sa mga katanungang di masagot.
Ama, saan nga ba nakakatakot manirahan?
Sa sariling lupang puno ng putukan?
O sa tahimik na pook –
Na hindi naman kami kabilang?
Ang tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2012 http://www.saranggolablogawards.com/
na inilunsad sa pakikipagtulungan ng:
Salamat sa mga sponsors:
Comments